Hindi pa nakikita ng Juvenile Justice and Welfare Council o JJWC ang anggulong bullying bilang pangunahing dahilan na nag-udyok sa dalawang menor de edad na suspek sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon kay JJWC Executive Director Atty. Tricia Clare Oco, batay sa inisyal na assessment, wala pang napapatunayang indikasyon na naging biktima ng bullying ang dalawang batang sangkot.
Aniya, patuloy pa ang isinasagawang assessment para matukoy ang posibleng dahilan ng insidente.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Regional Rehabilitation Center for Youth ang dalawang menor de edad kung saan sila ay inilagay sa magkahiwalay na silid, at hindi muna isinasama sa iba pang kabataan habang nagpapatuloy ang proseso.
Sinimulan na rin ang psychological assessment sa mga magulang, habang nakatakda naman ang pagsusuri ng psychologist bukas para mas maunawaan ang kalagayan ng dalawang bata at matukoy ang mga posibleng dahilan sa likod ng insidente.