Nakikiusap si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa publiko na maging responsable at sensitibo sa pagpo-post at pagbabahagi ng impormasyon online kaugnay ng nangyaring shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon sa kalihim, hindi lamang ang mga direktang naapektuhan kundi ang buong school community at lungsod ng Tacloban ang dumaraan sa proseso ng paghilom matapos ang trahedya.
Dahil dito, hinikayat ni Sec. Gatchalian ang publiko na isaalang-alang ang epekto ng mga ibinabahaging larawan, video, at impormasyon online dahil maaari umano itong magdulot muli ng trauma sa mga biktima, pamilya, at komunidad.
Aniya, may iba’t ibang bersyon na ng kwento ang kumakalat sa social media, kabilang ang mga sensitibong larawan o videos mula sa insidente na hindi na dapat pa i-share online.
Ayon sa kalihim, sa halip na palalain ang sakit at takot, dapat makiisa ang publiko sa proseso ng paghilom ng mga pamilya at ng buong komunidad ng Tacloban.