Isinusulong ng Philippine National Police (PNP) ang komprehensibong pagsusuri sa pagpapatupad ng mga umiiral na gun regulations.
Ito ay matapos madiskubre ang umano’y pagdodoble ng serial number ng isa sa mga baril na ginamit sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., layon ng hakbang na matukoy ang mga posibleng kahinaan sa firearms regulations na maaaring sinasamantala ng ilang indibidwal o grupo.
Batay sa imbestigasyon, ang .38 caliber revolver na ginamit sa pamamaril sa San Jose National High School noong June 22 ay may serial number na natunton din sa isa pang baril sa Bohol.
Dahil dito, sinisiyasat ng mga awtoridad kung may iregularidad sa proseso ng pagpaparehistro, dokumentasyon, at pagtatala ng rekord ng mga baril.
Sinabi ni Nartatez na mahalaga ang imbestigasyon upang matukoy kung kinakailangan ang mga pagbabago sa sistema ng paglalagay ng serial number sa mga baril at matiyak ang accuracy at reliability ng record ng mga baril para maiwasang magamit sa krimen at iba pang ilegal na gawain. | ulat ni Diane Lear