Sa gitna ng dumarami at lumalalang mga kaso ng karahasan sa mga paaralan, iginiit ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pangangailangang pabilisin ang pag-hire ng school counselor associates para sa mga pampublikong paaralan.
Pinunto ng senate president na naglaan ang 2026 national budget ng 2 billion pesos para kumuha ng 10,000 School Counselor Associates I, alinsunod sa Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080).
Mandato aniya ng naturang batas ang pagbuo at pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program para itaguyod ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral.
Para tugunan ang kakulangan ng guidance counselors sa mga pampublikong paaralan, binigyang diin ni Gatchalian na lumikha ang batas ng mga posisyong School Counselor Associate para tumulong sa pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program.
Para maging kwalipikado bilang School Counselor Associates, kailangan ang isang kandidato ay mayroong Bachelor’s Degree in Guidance and Counseling o Psychology, o anumang Bachelor’s Degree na hindi bababa sa 18 units sa alinman sa dalawang larangang ito.
Maaari ring maging kwalipikado ang mga nagtapos sa related degree programs kung nakatapos sila ng hindi bababa sa 18 units ng Behavioral Science, kabilang ang 200 oras ng supervised practicum o internship sa guidance and counseling, lalo na sa mga paaralan o komunidad. | ulat ni Nimfa Asuncion