Isasailalim sa pagrepaso ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang polisiya hinggil sa pagbabantay ng mga pulis sa paaralan.
Ito’y kasunod pa rin ng nangyaring pamamaril ng dalawang estudyanteng menor-de-edad sa San Jose National High School sa Tacloban City, na ikinasawi ng tatlo nilang kamag-aral.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla, kailangang aralin ang security policies gaya ng pag-iinspeksyon sa mga bag at pagkakapkap sa mga estudyante, bagay na kahit mga guro ay hindi naman ginagawa.
Bilang tugon naman, tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na paiigtingin pa nila ang kanilang presensya sa mga eskwelahan.
Bagama’t bawal ang mga pulis sa itinuturing na “zones of peace” sinabi ng PNP Chief na maaari pa rin namang lumahok ang mga pulis sa ilang aktibidad gaya ng flag raising upang maging “deterrence” o balakid sa mga nais gumawa ng krimen.