Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi na kinakailangan ang personal na pagdalo ng Businessman na si Manny Pangilinan sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ito ay kaugnay ng imbestigasyon sa pagkalunod ng dalawang Ateneo student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Sa mensahe sa media, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na ipinaalam ni CIDG Director PMGEN Robert Alexander Morico II sa mga abogado ni Pangilinan na hindi na kailangan ang presensya nito dahil halos kumpleto na ang case build-up.
Aniya, sapat na ang affidavit na nauna nang isinumite ng chairman at trustee ng MVP Sports Foundation.
Samantala, personal na nagtungo ang mga imbestigador ng CIDG sa Talacogon, Agusan del Sur ngayong araw upang kunin ang sinumpaang salaysay ni Rovelyn Baterbonia, ina ni Rene Baterbonia.
Sa ngayon ay nang kino-consolidate at pinoproseso ng CIDG ang pahayag bilang bahagi ng ebidensata para sa referral ng mga reklamo sa Department of Justice.
Tiniyak naman ng CIDG ang masusing imbestigasyon upang maihatid ang hustisya sa mga biktima. | ulat ni Diane Lear