Nananawagan si Senador Bam Aquino para sa agarang pagpapatibay ng School Safety Act kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi at ikinasugat ng ilang estudyante.
Ayon kay Aquino, bumisita siya sa Tacloban nitong Miyerkules para personal na makiramay sa mga pamilya ng mga nasawing bata at dalawin ang mga sugatang estudyante sa mga ospital.
Sa kanyang pagbisita, nakatanggap aniya siya ng impormasyon tungkol sa banta ng panibagong karahasan sa isa pang paaralan sa Leyte.
Agad namang ipinasa ng senador ang impormasyon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, na mabilis na nag-utos ng imbestigasyon at aksyon sa pamamagitan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Nagpasalamat si Aquino sa DILG at CIDG dahil sa maagap na pagtugon na nakatulong para mapigilan ang sinasabing banta.
Sinabi ng senador na dalawang pangunahing hinaing ang kanyang narinig mula sa mga magulang ng mga biktima: ang pagkamit ng hustisya para sa mga nasawi at nasaktan, at ang pagtiyak na hindi na mauulit ang ganitong karahasan sa mga paaralan.
Dahil dito, iginiit niya ang kahalagahan ng School Safety Act para higit na mapalakas ang seguridad at kaligtasan ng mga mag-aaral.
Suportado rin ni Aquino ang pagrerepaso at pag-amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act, gayundin ang panukalang pagbabawal sa paggamit ng social media para sa mga batang mas mababa sa 15 taong gulang.
Tiniyak naman ng senador na kikilos ang Senate Committee on Basic Education para maisulong ang mga repormang kinakailangan para sa proteksyon ng mga kabataan at mga paaralan sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion