Mas marami pang komunidad sa Visayas ang makikinabang sa mas maayos na serbisyong pangkalusugan matapos ipagkaloob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang 18 Patient Transport Vehicle (PTV) sa 10 lalawigan sa isang seremonya Cebu City.
Sa ilalim ng Medical Transport Vehicle Donation Program (MTVDP), ipinamahagi ang mga PTV sa Cebu, Bohol, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Samar, Eastern Samar, Northern Samar, Negros Oriental, at Siquijor upang makatulong sa ligtas at mabilis na pagdadala ng mga pasyente, lalo na sa mga liblib at kulang sa serbisyong medikal na lugar.
Pinangunahan ni PCSO General Manager Melquiades A. Robles ang turnover at iginiit na bahagi ito ng patuloy na pagsuporta ng PCSO sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mailapit ang mahahalagang serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino.
Sa pinakahuling pamamahaging ito, umabot na sa 1,731 Patient Transport Vehicle ang naipagkaloob ng PCSO sa mga lokal na pamahalaan at pampublikong ospital sa buong bansa.
Kasabay nito, isinagawa rin ng PCSO ang seremonyal na pagpapalabas ng Lotto LGU Shares para sa ilang lokal na pamahalaan sa Visayas bilang bahagi ng itinakdang pamamahagi ng kita mula sa lotto para sa mga programang pangkomunidad.