Bunsod ng trahedya ng pamamaril sa isang eskwelahan sa Tacloban City, plano ng Bagong Henerasyon Party-list ang paghahain ng isang panukalang batas na magtatatag ng Comprehensive School Safety and Violence Prevention Program.
Layunin ng naturang panukala na palakasin ang seguridad sa loob ng bawat kampus mas maayos na sistema laban sa bullying, gabayan ang pag-uugali ng mga mag-aaral, at palawakin ang access sa counseling at suporta para sa mental health.
Importante rin aniya na obligahin ang regular na pag-audit sa kaligtasan ng mga paaralan upang matukoy ang banta bago pa may muling masawing buhay.
Ayon kay Representative Robert Nazal, hindi mapapantayan ang sakit na nararamdaman ng isang magulang na naghahatid ng anak sa paaralan upang matuto, ngunit hindi na muling makababalik nang buhay.
Aniya, ang trahedya sa Tacloban ay isang masakit na paalala na ang mga eskwelahan ay hindi ligtas sa karahasan at hindi na dapat ituring ng pamahalaan na huling prayoridad ang seguridad sa mga campus.
Nanawagan ang kongresista sa PNP na magsagawa ng patas at malalimang imbestigasyon upang panagutin ang lahat ng may sala.