Ngayong Pride Month, opisyal nang inihain ng Akbayan Partylist ang Lived Identities and Recognition Act (HB 9929), na mas kilala rin sa tawag na “Sharmaine Bill.”
Ayon kay Akbayan Representative Perci Cendaña, malaking pasanin para sa marami nating kababayan ang hindi pagtutugma ng kanilang anyo sa kanilang mga legal na dokumento.
Anya, madalas silang kinukutsa at pinagtatawanan dahil sa pangalan na nasa mga legal documents nila.
Idinagdag pa ng mambabatas na kung nagawa ng mga Pilipinong unawain ang isang sikat na meme sa internet na pangalanang “sharmaine ” ang orange na prutas kaya rin itong gawin para sa mga totoong tao.
Layunin ng panukalang batas na kilalanin ang tunay na pagkakakilanlan (lived identities) ng mga transgender, intersex, at non-binary na Pilipino sa pamamagitan ng isang simple at madaling prosesong administratibo.
Sa ilalim ng panukalang ito, hindi na kailangan pang dumaan sa mahaba, masalimuot, at magastos na proseso sa korte ang pagpapalit ng pangalan. | ulat ni Melany Reyes