Inilatag ng Department of Agriculture (DA) ang iba’t ibang opsyon ng tulong na maaaring ilaan sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol, partikular sa Sarangani.
Kabilang sa inihandang assistance ng DA ang mga agricultural inputs tulad ng mahigit 29,800 bag ng palay seeds, 22,300 bag ng corn seeds, 16,500 bag ng highland at lowland vegetable seeds, gayundin ang bio-control measures, fertilizers at soil ameliorants.
Naglaan din ang National Food Authority (NFA), sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng 1,200 bag ng bigas na ipamamahagi sa mga apektadong residente at vulnerable households.
Kasama rin sa inihanda ng DA ang ₱810,000 halaga ng livestock animals at inputs, kabilang ang manok, native swine, baka at forage seeds, gayundin ang ₱23.68 milyong halaga ng fingerlings, fishing gear at kagamitan para sa mga mangingisda.
Maaari ring makakuha ang mga apektadong magsasaka ng hanggang ₱25,000 pautang mula sa Agricultural Credit Policy Council at patuloy rin ang pagbibigay ng indemnification sa mga insured na magsasaka sa ilalim ng Philippine Crop Insurance Corporation.
Sa assessment ng DA Regional Field Office 12, aabot sa ₱9.59 million na ang naitalang pinsala ng malakas na lindol sa Agri sector sa Mindanao.

