Lubhang ikinabigla ng mga magulang ng dalawang batang suspek ang nagawa ng mga itong pamamaril sa San Jose National High School na nagdulot ng malaking trahedya sa komunidad.
Ayon kay Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC) Executive Director Atty. Tricia Clare Oco, batay sa inisyal na pakikipag-usap sa magulang ng dalawang menor de edad, maging sila ay ‘in shock’ at hindi inakala na magagawa ng kanilang mga anak ang naturang krimen.
Aniya, ngayon ay nangangamba rin ang mga magulang sa kanilang kaligtasan dahil sa matinding galit ng ilang miyembro ng komunidad kaugnay ng nangyari.
Ipinaliwanag naman ni Oco na maaaring hindi lusot sa pananagutan ang mga magulang kung mapatunayang may kapabayaan sila sa anak na naging dahilan ng insidente.
Gayunman, nilinaw ng JJWC na wala pa silang nakikitang sapat na ebidensya sa ngayon at nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at assessment.
Una nang sumailalim sa psychological assessment ang mga magulang ng dalawang menor de edad, habang ikakasa ngayong Biyernes ang pagsusuri ng psychologist sa mga bata para mas maunawaan at matukoy ang mga posibleng dahilan sa likod ng insidente.