Isusumite na ngayong araw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Department of Justice (DoJ) ang resulta ng imbestigasyon kaugnay sa drowning incident na nangyari sa Dipaculao, Aurora na ikinasawi ng dalawang Ateneo student athletes.
Sa pulong balitaan ngayong araw, inanunsiyo ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang pagsasampa ng kaso laban sa 11 indibidwal na may kinalaman sa pagkasawi nila Rene Baterbonia at Divine Adili.
Kabilang sa mga sasampahan ng paglabag sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing Law ang dating Head Coach ng Ateneo Blue Eagles na si Tab Baldwin.
Gayundin ang mga miyembro ng Coaching staff at iba pa na sina:
- Grant Dearns – Strength and Conditioning Coach
- Ceasar Vincent Javellana Elumba – Strength and Conditioning Coach
- Dean Caesar B. Castaño – Assistant Coach
- Sandro Nicholas Romero Soriano – Assistant Coach
- Reynaldo C. Jacinto Jr. – Assistant Coach
- Paolo Manuel Maceda Adevoso – Student Manager
- Andrew Lorenzo Bondoc Salud @Drew – Student Manager
- John Eric Quiambao Rueca – Physical Therapist
- Aris Ramos Pronce – Utility / Ball Boy
- Joel Palmiano Rapa @Boy – Utility / Ball Boy
Paliwanag ni DILG Sec. Jonvic Remulla, nag-cross over sa hazing ang team building ng Ateneo Blue Eagles dahil nakita sa ginawang imbestigasyon ang sadyang pagpapahirap sa mga manlalaro na nagresulta sa pagkasawi ng dalawa.
Ito rin ang nagtulak sa PNP para isulong ang mga gayung kaso sa mga sangkot na ayon kay PNP Chief, PGen. Melencio Nartatez Jr. ay may malinaw na indikasyon ng pang mamaltrato.