Photo courtesy of Tingog Party-list
Pinagtibay ng Bicameral Conference Committee ang pinal na bersyon ng Senate Bill No. 10981 at House Bill No. 4744.
Layunin ng Basic Education Voucher Assistance Act na palawakin ang access ng mga kabataan sa dekalidad na edukasyon.
Sa social media post ni House Committee on Higher and Technical Educations chair at Tingog Party-list Representative Jude Acidre, sinabi nito na isa ito sa malaking hakbang tungo sa mas inklusibo at dekalidad na edukasyon.
Sa pamamagitan ng voucher assistance mas marami ng mag-aaral mula kindergarten, elementarya, at sekondarya ang magkakaroon ng pagkakataong makapag-aral sa mga kwalipikadong pribadong paaralan.
Binibigyan din nito ang mga pamilyang Pilipino ng mas malawak na opsyon sa pagpili ng paaralang angkop para sa kanilang mga anak.
Kasama din sa mga benepisyo ng panukala ang mas pinalawak na tulong pinansyal: alternatibong solusyon sa kakulangan ng pasilidad, proteksyon sa bayarin, mas madaling aplikasyon, at suporta sa mga guro.
Nakatakdang iharap ang bicam report sa dalawang kapulungan ng Kongreso para sa ratipikasyon, na isusumite ito sa tanggapan ng Pangulo upang lagdaan at maging isang ganap na batas.