Isinusulong ngayon sa Kamara ang pagtaas ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA) mula ₱2,000 tungo sa ₱5,000 kada buwan.
Sa ilalim ng House Bill 9475 na inihain ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan, pangunahing makikinabang dito ang mga public school teachers, health workers, mga klerk, at maintenance personnel na labis na pinahihirapan ng nagtataasang presyo ng bilihin at kuryente.
Ayon kay Yamsuan, taong 2009 pa huling ginalaw ang PERA kung saan sa nakalipas na 17 taon, nanatili itong barya na lamang dahil sa mataas nang inflation at mababang halaga ng piso.
Sakop ng panukalang batas dagdag allowance ang mga civilian personnel at mga military at Uniformed Personnel (mga sundalo at pulis).
Nakasaad sa House Bill ang pagrepaso ng PERA kada tatlong taon base sa inflation.
Sa unang taon ng pagpapatupad, huhugutin ang pondo sa savings ng gobyerno, at isasama na sa pambansang pondo (GAA) para sa mga susunod na taon.
Diin ng mambabatas, long overdue na ang dagdag na allowance upang mabigyan ng disenteng buhay ang mga lingkod-bayan.