Umaasa ang House prosecution panel na papayagan ng Senate impeachment court na buksan ang isang misteryosong box mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ito ay matapos umalma ng defense lawyers ni Vice President Sara Duterte sa pre-trial conference.
Ayon kay Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, hinarang ng defense panel hindi lang ang pagbubukas kung hindi maging ang simpleng pagmamarka (marking as exhibit) sa naturang selyadong kahon.
Ayon sa prosekusyon, crucial ang laman nito para patunayan o mapasinungalingan ang kaso ng unexplained wealth ng Bise Presidente.
Nakakapagtaka aniya na tutol ang depensa na markahan o buksan ang BIR box na naglalaman ng income tax returns ng mag-asawang Carpio-Duterte.
Dagdag naman ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na tumatayong house prosecutor, naisumite na ang mosyon sa impeachment court at posibleng magdesisyon ang senator-judges bago o sa mismong unang araw ng pormal na paglilitis.