Kasabay ng ika-6 na anibersaryo ng Republic Act No. 11476 o ang Good Manners and Right Conduct (GMRC) and Values Education Act, nanawagan si CIBAC Party-List Representative Bro. Eddie Villanueva na suriing mabuti ang pagpapatupad ng batas sa mga paaralan.
Ayon kay Villanueva, na siyang pangunahing may-akda ng batas, dapat gamitin ng pamahalaan ang asignaturang ito upang palakasin ang paghubog ng karakter ng mga kabataan.
Magagamit din aniya ang GMRC laban sa mga negatibong impluwensya ng social media at internet.
Ito ang tugon ng mambabatas kasunod ng insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City kamakailan, na kinasangkutan ng mga menor de edad.
Hinimok din ni Villanueva ang Department of Education (DepEd) at iba pang mga ahensiya na tukuyin ang mga bahagi ng kurikulum na maaari pang patatagin, lalo na ngayong nahaharap ang mga kabataan sa matinding hamon sa mental health at maling paggamit ng teknolohiya.
Aniya, ang trahedya sa Tacloban ay paalala na hindi sapat ang batas lamang upang baguhin ang lipunan. Umapela rin si Villanueva ng pagtutulungan para makabuo ng isang henerasyon na hindi lang matalino, kundi may takot sa Diyos, may integridad, at may malasakit sa kapwa.