Inaasahang dadagsa ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community and allies sa isasagawang Metro Manila Pride March ngayong araw sa Remedios Circle sa Malate, Maynila, kung saan inaasahan ang pagdiriwang ng pagkakapantay-pantay, dignidad, at karapatang pantao ng LGBTQIA+ community.
Ayon sa Metro Manila Pride Organization, magbubukas ang mga gate sa Remedios Circle 10:00 ng umaga para sa programa na tampok ang iba’t ibang performances, musical acts, at mga panawagan para sa inclusivity and equality.
Kaugnay nito, ipatutupad naman ang pagsasara ng ilang kalsada malapit sa lugar simula 8:00 ng umaga, kabilang ang Remedios Circle, bahagi ng Jorge Bocobo Street, at Remedios Street.
Magkakaroon din ng traffic rerouting at stop-and-go scheme sa ilang pangunahing intersection sa Malate.
Pinapayuhan din ang mga motorista na planuhin ang kanilang biyahe at dumaan sa mga alternatibong ruta upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.