Mas pinalalakas ng Philippine Coast Guard (PCG) at United States Coast Guard ang kanilang ugnayan upang paigtingin ang kaligtasan, seguridad, at pangangalaga sa karagatan.
Pinangunahan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang pagpupulong kasama si U.S. Coast Guard Pacific Area Commander Vice Admiral Joseph Buzzella sa PCG National Headquarters sa Maynila.
Tinalakay ng dalawang panig ang pagpapalawak ng kooperasyon sa maritime domain awareness, search and rescue, marine environmental protection, at interoperability sa ilalim ng Aeronautical and Maritime Search and Rescue Agreement.
Pinagtibay rin ang partisipasyon ng dalawang coast guard sa mga magkasanib na aktibidad tulad ng Balikatan, SEACAT, SEAMLEI, at RIMPAC Exercise 2026.
Kinilala rin ng PCG ang naging mahalagang suporta ng USCG sa pagtugon sa oil spill incidents ng MT Princess Empress noong 2023 at MT Terranova noong 2024, kabilang ang technical assistance at specialized training na nagpahusay sa kakayahan ng bansa sa marine environmental response.
Ayon sa PCG, patunay ang pagpupulong sa patuloy na pangako ng Pilipinas at Estados Unidos na palakasin ang pagtutulungan para sa ligtas, matatag, at rules-based maritime domain sa rehiyon.
📸 PCG