Mahigit 30,000 magsasakang nagtatanim ng mais sa Cagayan na naapektuhan ng matinding tagtuyot ang pinagkalooban ng tulong pinansyal ng Department of Social Welfare and Development.
Ang ayuda ay ipinamahagi ng DSWD Field Office 2 sa ilalim ng Emergency Cash Transfer (ECT).
Nasa 30,943 na benepisyaryo, o mahigit 97% ng target na 31,782 corn farmers, ang nabigyan na ng tulong.
Sa kabuuan, mahigit P313 milyon na ang naipamahagi.
Ayon sa DSWD, bawat kwalipikadong magsasaka ay tumanggap ng P10,125 upang makatulong sa kanilang agarang pangangailangan habang bumabangon mula sa epekto ng matinding tagtuyot.
Bago ang payout, isinailalim sa assessment at validation ng City at Municipal Agriculture Offices ang mga benepisyaryo upang matiyak na kwalipikado silang makatanggap ng ayuda.