Nakahanda na ang PNP-Highway Patrol Group para sa Undas 2026.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni HPG Director Police Brigadier General Joyce Patrick Sangalang na aabot sa 761 na mga tauhan ang kanilang ipakakalat para sa Undas, katuwang ang 586 force multiplier.
Nakapuwesto aniya ang mga pulis sa mga bus terminal, expressway, at mga pangunahing kalsada.
Kaugnay nito, sinabi ni Sanglang na nagsasagawa ang HPG ng joint inspection sa mga terminal, katuwang ang iba pang ahensya, para matiyak na ligtas ang mga bibiyahe.
Samantala, may paalala ang HPG sa mga motorista, lalo na sa mga rider ng motorsiklo.
Kasama umano sa mga dapat gawin ang iwasang magpakalasing kapag babyahe at hindi pagsusuot ng helmet kapag naka-motorsiklo.
“Unang-una, yung helmet was designed to protect the riders from severe injury during motorcycle crash kaya napakaimportante ng helmet. Mapapansin ninyo, hinuhuli ng HPG kapag nakakita tayo ng helmet na nasa siko. Maraming naaksidente ang helmet nasa siko; namatay, buo ang siko, basag ang ulo kasi nasa siko yung helmet nila. So we need to address that, at paalala na rin sa mga nag-aangkas: ang mga bata ay hindi puwedeng iangkas sa harap ng motorsiklo,” ani Sangalang.
Batay sa datos, lumalabas na over-speeding, bad overtaking, at bad turning ang mga nangungunang dahilan ng mga aksidente at pagkamatay sa kalsada.