Inilunsad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pinahusay na Electronic Invoicing and Sales Reporting System o EIS upang padaliin ang pag-isyu ng invoice, pagtatala ng transaksyon at pagsunod ng mga negosyo sa mga obligasyon sa buwis.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Mendoza, unti-unti ang pagpapatupad ng sistema, kalakip ang malinaw na gabay at agarang suporta sa mga nagbabayad ng buwis.
Kabilang sa mga bagong pasilidad ang Permit-to-Issue Portal at Web-Based Issuance Facility para sa mga kuwalipikadong taxpayer.
May mga kasangkapan din ito para beripikahin ang mga invoice, pagtugmain ang mga rekord at matukoy ang mga pagkakaiba sa talaan.
Binigyang-diin naman ni Department of Finance Undersecretary Krystal Lyn T. Uy na layon ng digitalisasyon na mapagaan ang proseso para sa mga taxpayer habang pinatitibay ang transparency at pangangasiwa sa buwis.
Pinalawak ng pinahusay na EIS ang naunang pilot implementation nito noong 2022.