Pinalalalim ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at European Union (EU) ang kanilang kooperasyon sa edukasyon, kasanayan at inobasyon upang suportahan ang pag-unlad ng isang sustenableng blue economy o ekonomiyang nakabatay sa responsableng paggamit at pangangalaga sa yamang-dagat.
Idinaos sa Maynila noong Oktubre 27–28, 2026, ang ikaapat na EU-ASEAN Policy Dialogue on Higher Education, na naglalayong iangkop ang mga programa sa edukasyon at pagsasanay sa mga pangangailangan ng industriya at mga oportunidad sa ekonomiyang pandagat.
Isinagawa ang pagtitipon sa ilalim ng Sustainable Connectivity Package – Higher Education (SCOPE-HE), isang programang pinopondohan ng EU, katuwang ang Commission on Higher Education (CHED) ng Pilipinas.
Ayon kay ASEAN Secretary-General Dr. Kao Kim Hourn, mahalaga ang edukasyon upang matiyak na ang pag-unlad ng blue economy ay hindi lamang nakatuon sa paglago ng ekonomiya, kundi pati sa pangangalaga sa karagatan, pagpapalakas ng mga komunidad at pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa kabataan.
Binigyang-diin naman ni Dr. Radomir Jansky, Deputy Head of the European Union Mission to ASEAN, ang papel ng edukasyon at pagpapaunlad ng kasanayan sa estratehiyang Global Gateway ng EU, na sumusuporta sa pamumuhunan sa mga industriyang pandagat, pananaliksik, inobasyon at matatag na kabuhayan ng mga pamayanang baybayin.
Ayon kay CHED Chairperson Dr. Shirley Agrupis, kailangang ituring ang blue economy hindi lamang bilang usaping pang-ekonomiya, kundi bilang bahagi rin ng pagpapaunlad ng edukasyon at kasanayan.
Kabilang sa mga pangunahing sektor na tinututukan ang pangingisda, transportasyong pandagat, turismo sa mga baybayin at renewable energy mula sa karagatan.
Para sa Pilipinas, kabilang sa mga layunin ang pagpapalakas ng ugnayan ng mga pamantasan at industriya upang maihanda ang mga mag-aaral sa mga bagong oportunidad sa trabaho, pagsusulong ng pananaliksik para sa responsableng pamamahala ng yamang-dagat, at pagpapalawak ng akses sa edukasyon at pagsasanay para sa mga komunidad sa baybayin at mga isla.
Inaasahan ding makabubuo ang mga kalahok ng mga konkretong rekomendasyon sa pamamagitan ng Manila Policy Brief upang higit pang mapalakas ang ugnayan ng edukasyon at industriya, mapalawak ang palitan ng mga mag-aaral at propesyonal, at maisulong ang inklusibo at sustenableng pag-unlad sa ASEAN at EU.