BI
Naaresto ng Bureau of immigration ang apat na Israeli nationals, isang Moroccan, isang Australian, isang Nigerian, isang Lithuanian, at dalawang Chinese nationals sa magkakahiwalay na operasyon sa Siargao Island dahil sa iba’t- ibang paglabag sa immigration laws.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, isinagawa ang operasyon ng BI
matapos ang timbre mula sa mga residente at negosyante na may mga dayuhan na iligal na nagtatrabaho, over staying at lumalabag sa iba pang immigration regulations.
Kabilang sa nahuli ang 2 israeli na overstaying na sa bansa at nagtatrabaho sa isang Israeli restaurant at namamahala rin umano sa isang Jewish center nang walang kaukulang visa at work permit.
Isa pang Israeli ang naaresto dahil sa iligal na pagtatrabaho at pagiging undesirable alien, habang ang isa ay nahuling nagtatrabaho bilang disc jockey nang walang permit.
Naaresto rin ang isang Moroccan na nahaharap sa immigration charges matapos masangkot sa naunang mga kasong kriminal.
Isang Australian naman ang natuklasang siyam na taong overstaying habang nagtatrabaho sa isang hotel sa Siargao.
Arestado rin ang isang Nigerian na nagtatrabaho bilang dog trainer at isang Lithuanian na umano’y namamahala ng resort at nagtatrabaho bilang food delivery rider nang walang kaukulang dokumento.
Dalawang Chinese nationals din ang inaresto matapos matuklasang overstaying at may umiiral na blacklist records dahil sa mga naunang paglabag sa immigration laws.
Binigyang diin ni Viado na bukas naman ang Pilipinas sa mga lehitimo at dayuhang bisita pero mahigpit na ipatutupad ng Immigration ang batas laban sa mga lumalabag dito. | ulat ni DK Zarate