Kasunod ng malagim na mga insidente ng karahasan sa mga eskwelahan, nanawagan si Bohol Rep. Alexie Tutor kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang puwersa ng pamahalaan laban sa cybercrime at cyberthreats.
Ayon kay Tutor, dapat suriin ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Philippine National Police (PNP), at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga pangangailangan ng kanilang mga cybercrime units.
Hinimok din niya ang Department of Budget and Management (DBM) na maghanap ng karagdagang pondo at resources upang mapatibay ang kakayahan ng bansa laban sa mga umuusbong na banta sa internet.
Giit ng mambabatas, kailangan ng mas maraming cyber investigators, digital forensic specialists, analysts, at mas makabagong cyber threat monitoring capabilities upang matukoy at mapigilan ang mga banta ng karahasan bago pa ito mauwi sa aktuwal na pag-atake.
Samantala, nanawagan din siya sa Department of Health (DOH) at National Center for Mental Health (NCMH) na magpadala ng mga quick response team sa Tacloban, Tolosa, at iba pang lugar kung saan naganap ang mga pananaksak at iba pang matitinding insidente ng karahasan na kinasangkutan ng mga kabataan.