Nasampahan na ng patong-patong na kaso ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong hinihinalang miyembro ng robbery group na naka engkuwentro ng mga pulis sa North Luzon Expressway (NLEX), noong Biyernes.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief PCol. Allen Rae Co na nahaharap ang mga suspek sa kasong frustrated murder, direct assault, at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9516.
Ayon kay Co, ang mga suspek ang nasa likod ng sunod-sunod na insidente ng holdapan at nakawan sa Central Luzon at CALABARZON, at matagal nang tinutugis ng mga awtoridad.
Iginiit din ni Co, na nasunod ng mga operatiba ang rules of engagement sa isinagawang operasyon dahil walang sibilyang nadamay sa engkuwentro.
Dagdag pa niya, “required force” o sapat na antas lamang ng puwersa ang ginamit ng mga pulis bilang tugon sa armadong panlaban ng mga suspek.