Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court ang ₱1-bilyong civil case laban kina dating House Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, Quezon City Fifth District Representative Patrick Michael Vargas, at iba pang respondents kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon sa korte, wala itong hurisdiksyon sa kaso matapos mabigong magbayad ng kinakailangang filing fees ang mga nagsampa ng reklamo.
Inihain ang kaso noong December 2025 ng United People’s Against Corruption o UPAC sa pangunguna ni dating Quezon City Councilor Antonio Inton Jr., na humihingi ng ₱1-bilyong danyos dahil sa umano’y mga iregularidad sa flood control projects.
Sinabi ni Inton na naghain na sila ng petition for certiorari sa Court of Appeals at iginiit na hindi pa pinal ang usapin dahil hindi ibinasura ang kaso batay sa merito nito.