Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na nasawi na ang apat na suspek na nasugatan sa engkwentro sa mga pulis sa Arayat, Pampanga, noong June 27.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Allan Rae Co, naisugod pa sa ospital ang mga suspek ngunit idineklarang dead on arrival.
Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang mga hinihinalang hired gunmen ang mga suspek na umano’y sangkot sa pag target sa mga pulitiko.
Batay sa ulat, naaktuhan ng mga miyembro ng Pampanga SWAT ang mga suspek na walang habas na nagpapaputok ng kanilang mga baril.
Sa halip na sumuko nang lapitan ng mga awtoridad, pinaputukan umano ng mga suspek ang mga pulis, dahilan upang gumanti ng putok ang mga ito.
Matapos ang palitan ng bala, naaresto ng mga awtoridad ang apat na suspek, kabilang ang itinuturong lider ng grupo na kinilala sa alyas na “Ka Arlet.”
Narekober mula sa mga suspek ang iba’t ibang matataas na kalibre ng armas, kabilang ang isang .45-caliber pistol, M16 rifle, 12-gauge shotgun, .38-caliber revolver, carbine rifle, at isang hand grenade.