Siniguro ng Malacañang na nalinis na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang listahan ng mga contractor para sa mga proyekto ng pamahalaan.
Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pa-igtingin ang infra spending ng pamahalaan para sa ikalawang bahagi ng 2026.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, nakapaskil sa website ng DPWH ang mga blacklisted na contractor, upang maiwasan na ang mga ito na muling makakuha ng kontrata sa mga proyekto sa gobyerno.
Hinihingi na rin niya sa DPWH ang listahan ng mga contractor na maayos kausap at tumutupad sa kasunduan.
Kaugnay nito, hinihikayat naman ng Palasyo ang mga kontraktor na malinis at tunay na may puso sa serbisyong publiko na makilahok sa pagsasakatuparan ng mga proyekto ng gobyerno. | ulat ni Racquel Bayan