Bam Aquino FB
Hindi pabor si Senador Bam Aquino sa ganap na pagbabawal sa mararahas na video game kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Una nang sinabi ng Malacañang na bukas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga panukalang higpitan o ipagbawal ang mararahas na online game dahil sa pangamba sa posibleng impluwensya ng mga ito sa mga bata.
Ayon kay Aquino, maraming pag-aaral ang nagsasabing walang ugnayan ang mga video game at mga insidente ng school shooting.
Dagdag pa niya, ang mga video game, bilang isang anyo ng sining at libangan, ay hindi humahantong sa marahas na pag-uugali.
Sa halip na magpatupad ng blanket ban sa mga video game, nanawagan si Senador Bam ng mas mahigpit na pagpapatupad ng umiiral na age restrictions para sa mga larong may mature rating, katulad ng mga panuntunang ipinatutupad sa mga pelikula at programa sa telebisyon.
Binigyang-diin din ni Aquino na may mahalagang papel ang mga magulang sa pagbabantay sa mga video game na nilalaro ng kanilang mga anak at sa pagtiyak na ang mga ito ay naaayon sa kanilang edad.
May pananagutan din, aniya, ang mga game developer na gawing mas ligtas ang mga online gaming platform, lalo na ang mga para sa mga bata, sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga hakbang laban sa mga online predator, extremist groups, at iba pang mga taong may masasamang hangarin.