Nasabat ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang mahigit ₱6 milyong halaga ng mga puslit na piyesa ng electric bicycles (e-bikes).
Ito’y sa ikinasa nilang search warrant operations dahil sa paglabag sa Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines sa isang bodega nito sa Mexico, Pampanga.
Nasabat ng mga awtoridad ang nasa 365 na imported e-bikes batteries, 90 battery chargers at 20 e-bike na may baterya na walang Import Commodity Clearance (ICC) stickers at Philippine Standard (PS) marks.
Bigo rin ang mga nangangalaga sa nasabing bodega na makapagpakita ng kaukulang permit, dahilan upang kumpiskahin ang lahat ng mga ebidensya sa loob ng bodega.
Pinuri naman ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga operatibang nagkasa ng operasyon at binigyang diin na hindi nila hinahadlangan ang lehitimong negosyo bagkus, nais lang nila ng patas at sumusunod sa batas para sa kapakanan ng lahat.