Kasunod ng malagim na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, nanawagan si House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan sa Kongreso na pag-aralan ang mas mahigpit na restriksyon sa paggamit ng mga minor sa social media.
Inihalimbawa ng mambabatas ang bansang Australia, na nagpatupad ng isa sa pinakamahigpit na batas sa social media sa buong mundo.
Bukod dito, hiniling din niya na muling suriin ang pamantayan ng Juvenile Justice law hinggil sa criminal responsibility ng mga menor de edad.
Ayon kay Libanan, ang trahedya ay dapat magsilbing hudyat sa mga mambabatas upang siyasatin kung sapat pa ba ang mga umiiral na batas at patakaran sa mga kabataan.
Kasabay nito, hinimok din ni Libanan ang Kongreso at ang Department of Education (DepEd) na tuldukan na ang matagal nang problema sa kakulangan ng mga guidance counselor sa mga paaralan.
Sa ngayon nasa 4,069 na lisensyadong guidance counselor ang buong Pilipinas, gayong 50,000 ang kinakailangan para gabayan ang mga bata.