Office of the Ombudsman
Hiniling ng grupong The Passenger Forum sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang Manila International Airport Authority (MIAA), hinggil sa pagpapagamit ng mga pasilidad ng Ninoy Aquino International Airport sa kumpanyang Cargohaus Incorporated.
Sa kabila ito ng utang ng kumpanya na aabot sa mahigit tatlong bilyong piso, na ilang dekada na umanong hindi nababayaran.
Ayon sa Advocacy Officer ng The Passenger Forum na si Mark Quinto, hinihiling din nila sa Ombudsman na pagpaliwanagin ang ahensya kung bakit pinapayagan pa rin umano ang kumpanya na gumamit ng ari-arian ng paliparan kahit na mayroon itong utang.
Batay sa Statement of Account ng MIAA, hanggang nitong ika-10 ng Marso ng kasalukuyang taon ay nasa ₱3,773,190,396.37, kasama ang interes.
Sinabi rin ni Quinto na bahagi ng utang ng Cargohaus Incorporated sa MIAA ang pag-upa sa isang bahagi ng paliparan na hindi kasama sa anumang kontrata, habang ang isang bahagi naman ay nasa isang kontrata na natapos noong Pebrero ng taong 2008.
Bukod dito, himihimok din nila ang Ombudsman at Commission on Audit na ipa-subpoena ang mga naturang kontrata, billing records, collection actions; at occupancy documents na may kaugnayan sa kumpanya.
Patuloy na sinisikap na kunin ang panig ng mga kumpanyang may kinalaman sa usapin.