Photo courtesy of Bureau of Internal Revenue
Sa pinagsamang operasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Philippine National Police (PNP), nasabat ang higit 30,000 pakete ng hinihinalang puslit na sigarilyo sa Estancia, Iloilo.
Ayon sa BIR, umabot sa kabuuang 30,598 packs ng pinaghihinalaang illicit cigarettes ang nakumpiska mula sa dalawang residential property sa Barangay Poblacion I at Lumbia, Estancia, Iloilo noong June 25.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court matapos ang mission order mula sa BIR Revenue Region No. 11 – Western Visayas.
Tinatayang aabot sa ₱25.07 milyon ang tax liability o hindi nabayarang buwis mula sa mga nakumpiskang produkto.
Agad isinailalim sa imbentaryo at pagsusuri ang mga nasabat na sigarilyo habang inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga responsable sa paglabag sa National Internal Revenue Code.