Ipinag-utos ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang pagdaragdag ng deployment ng mga pulis at Office of Public Safety and Security (OPSS) personnel, gayundin ang paglalagay ng mga metal detector sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.
Kasunod ito ng mga naitalang mararahas na insidente na kinasasangkutan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Marikina City Mayor Maan Teodoro, personal niyang ininspeksyon ang security arrangements sa ilang malalaking pampublikong paaralan upang matukoy ang mga karagdagang hakbang para higit pang mapalakas ang campus safety.
Aniya, mayroon nang nakatalagang mga pulis at OPSS personnel sa mga paaralan bago pa man lumabas ang mga ulat ng insidente sa ibang bahagi ng bansa, ngunit nais pa itong palakasin upang mas mapanatag ang loob ng mga magulang.
Kasabay nito, tinanggap din ng alkalde ang 70 bagong OPSS personnel na tutulong sa pagpapalakas ng public safety efforts sa buong lungsod.
Bukod dito, magkakaroon din ng deployment ng roving police sa mga pribadong paaralan sa pakikipag-ugnayan sa Marikina Private Schools Association, Inc. | ulat ni Diane Lear