Pinalawig ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pansamantalang suspensyon sa koleksyon ng Green Energy Auction Allowance o GEA-All para sa billing months ng July hanggang August 2026.
Layunin ng hakbang na mapagaan ang gastusin ng mga consumer sa singil sa kuryente.
Ang GEA-All ay isang uniform charge na sinisingil sa mga electricity consumer upang pondohan ang pagbabayad sa renewable energy (RE) developers na kalahok sa Green Energy Auction Program (GEAP) ng pamahalaan.
Saklaw ng suspensyon ang GEA-All rate na P0.0371 kada kilowatt-hour (kWh) na kinokolekta ng Distribution Utilities (DUs), Retail Electricity Suppliers (RES), at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Tiniyak ng ERC na nananatiling sapat ang pondo ng GEA-All Fund upang matugunan ang mga obligasyon sa pagbabayad sa mga kwalipikadong renewable energy developers habang ipinatutupad ang suspensyon.