Ikinalugod ng Department of National Defense (DND) ang pagdedeklara ng Lungsod ng Cebu sa July 12 bilang West Philippine Sea Victory Day.
Sa isang pahayag, sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na kanilang pinupuri ang “unanimous” na pag-apruba ng Konseho ng Lungsod ng Cebu sa resolusyong nagtatakda sa naturang pagdiriwang.
Ayon kay Teodoro, ang 2016 Arbitral Award ay patunay ng tagumpay na dapat yakapin at patuloy na ipaglabang maipatupad.
Nauna nang inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Cebu ang isang resolusyon na nagdedeklara sa July 12 bilang taunang paggunita sa makasaysayang tagumpay ng Pilipinas sa arbitral ruling kaugnay ng West Philippine Sea.
Layon ng resolusyon na mapanatili ang kamalayan ng publiko sa isa sa pinakamahalagang tagumpay ng bansa sa larangan ng batas at diplomasya, gayundin ang patuloy na pagsusulong sa mga karapatan at maritime entitlements ng Pilipinas alinsunod sa pandaigdigang batas.
Kasabay nito, gugunitain din ng Lungsod ng Cebu ang ika-10 anibersaryo ng makasaysayang desisyon noong 2016 na nagpawalang-bisa pag-aangkin ng China sa South China Sea at muling nagpatibay sa mga karapatan ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone nito. | ulat ni Diane Lear