Nilinaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na hindi awtomatikong magiging respondent sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Act ang lahat ng inirekomenda ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice (DOJ).
Ito ay kaugnay sa pagkamatay ng dalawang student-athletes ng Ateneo Men’s Basketball Team sa Dipaculao, Aurora noong June 8, 2026.
Ayon kay Remulla, ang naging rekomendasyon ng CIDG na isailalim sa imbestigasyon ang coaching staff ng Ateneo Men’s Basketball Team, kabilang ang mga student manager at ball boys, ay nakabatay sa probisyon ng Anti-Hazing Act.
Aniya, ito ay base sa pagiging special law ng Anti-Hazing Act, kung saan lahat ng present sa hazing activity ay prima facie evidence o ituturing na sangkot sa krimen.
Gayunman, sinabi niyang maaari pa ring alisin sa listahan ng mga kakasuhan ang ilan kung mapatutunayang wala silang kaalaman sa masamang layunin ng aktibidad, at maaari rin silang gawing testigo ng DOJ.
Bagamat ito ang aming naging rekomendasyon, maaari pa ring maalis sa listahan ng kakasuhan ang ilang mga kasama sa aktibidad, lalo kung mapapakita na hindi nila alam ang masamang layon nito. Maaari ring gawing testigo imbes na akusado ng Department of Justice ang mga student manager at ball boys,” ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla.
Iginiit din ng kalihim na dapat ding siyasatin ng DOJ ang posibleng pananagutan ng pamunuan ng Ateneo de Manila University bilang in loco parentis o caretaker ng mga estudyante.
Aniya, dapat matukoy kung nagkaroon ng pagkukulang ang unibersidad sa pagpigil sa aktibidad na nauwi sa trehedya ng pagkamatay nina Rene Baterbonia at Divine Adili.