DepEd
Tumulong ang mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at mga Parent-Teacher Association (PTA) sa pagpopondo at pagbibigay ng mga CCTV camera at metal detector.
Ito ay matapos ilunsad ng Department of Education (DepEd) ang nationwide School Safety Campaign kasunod ng mga nagdaang insidente ng karahasan sa ilang paaralan.
Dahil dito, nagpasalamat ang DepEd sa kanilang agarang suporta.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalaga ang tulong na ito sa pagpapatupad para matiyak ang ligtas at mapayapang kapaligiran sa bawat paaralan.
Inihayag ito ni Angara sa isinagawang inspeksyon sa Alfonso Castañeda National High School sa Nueva Vizcaya, kung saan sinuri rin niya ang mga umiiral na security protocol at CCTV coverage ng naturang paaralan.
Bilang tugon, naglaan ng pondo at nagkaloob ng mga metal detector at CCTV camera ang iba’t ibang LGU, pribadong organisasyon sa mga eskwelahan sa Tacloban, Maasin, Dipolog, Zamboanga Sibugay, Iriga, Catanduanes, Binmaley, Malolos, Cebu City, at Cauayan City upang higit pang mapalakas ang seguridad sa mga pampublikong paaralan.