Senate of the Philippines
Welcome kay Senador Raffy Tulfo ang pag-aanunsyo ng Department of Education (DepEd) ng nationwide school safety measures kasunod ng nangyaring pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong estudyante.
Alinsunod sa direktiba ni Education Secretary Sonny Angara, kabilang sa mga hakbang ang paglalagay ng hand-held metal detectors at CCTV cameras sa mga pampublikong paaralan upang mapalakas ang security protocols at mapadali ang pagkalap ng ebidensya sakaling magkaroon ng insidente.
Ikinatuwa man ni Senador Raffy ang pagpapatupad ng DepEd ng mga hakbang na matagal na niyang isinusulong, iginiit niyang hindi na sana umabot sa trahedya bago ito nabigyan ng kaukulang pansin.
Pinunto ng senador na sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education noong August 12, 2025, una niyang iminungkahi ang pagpapalakas ng seguridad sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng paggamit ng mga metal detector ng mga security guard, na sinang-ayunan ng kinatawan ng DepEd.
Binigyang-diin ni Tulfo na ang insidenteng ito ay paalala sa mga kawani ng pamahalaan na huwag nang maghintay na may mamatay o masaktan bago gumawa ng hakbang sa tuwing may suliraning nangangailangan ng agarang aksyon.