Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng whole-of-society review sa mga salik na nakaaapekto sa mga kabataan kasunod ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan na kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Sinabi ni Cayetano na bagama’t nauunawaan niya ang panawagan ng mga pamilya ng mga biktima para sa hustisya, dapat maging maingat ang Kongreso sa anumang pagbabago sa Juvenile Justice and Welfare Act.
Ayon sa senador, ang layunin ng anumang reporma ay mapigilan ang karahasan na kinasasangkutan ng mga kabataan nang hindi sila itinuturing na mga “hardened criminals.”
Binigyang-diin din niya na hindi sapat na pag-usapan lamang ang pagpapababa ng edad ng criminal liability.
Kailangan din aniya na suriin ang kabuuang kapaligiran ng mga kabataan, kabilang ang kanilang nakikita sa social media, mga natututunan sa paaralan, at ang impluwensya ng tahanan at komunidad.
Iginiit ni Cayetano na dapat manatiling ligtas na lugar para sa mga bata ang mga paaralan, tahanan, at simbahan.
Tinukoy rin niya ang kakulangan ng mga silid-aralan, na nagdudulot ng half-day classes sa maraming pampublikong paaralan.
Ayon sa minority leader, dahil dito ay mas maraming oras ang mga estudyante sa labas ng paaralan at sa paggamit ng social media.