Muling pinatunayan ng Pilipinas ang pamumuno nito sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga manggagawa sa Southeast Asia matapos nitong pangunahan ang ika-19 na pagpupulong ng Implementation of the Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Declaration on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers (ACMW) para sa taong 2026-2027 na ginanap dito noong Hunyo 24 hanggang 25.
Idinaos ang dalawang araw na talakayan sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas bilang Chair ng ASEAN ngayong 2026. Nagtipon-tipon sa bansa ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang bansang kasapi ng ASEAN, mga sectoral body, at mga development partner upang balangkasin ang mga polisiya at reporma sa labor migration sa rehiyon.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, nananatili ang mariing komitment ng Pilipinas na isulong at protektahan ang karapatan ng mga migranteng manggagawa sa buong ASEAN.
“Sa ilalim ng tema ng ASEAN na ‘Navigating Our Future, Together,’ magkakapit-bisig nating aabutin ang katatagan, pagpapanatili, at inklusibong paglago sa pamamagitan ng serbisyo at sipag ng mga migrant workers sa buong rehiyon,” pahayag ni Cacdac sa kanyang pambungad na pananalita.

Hinimok din ng kalihim ang mga kalapit-bansa na paigtingin ang kooperasyon at kilalanin ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga dayuhang manggagawa sa ekonomiya at komunidad ng rehiyon.
Sa nasabing pagpupulong, naging sentro ng diskusyon ang mga sumusunod na mahahalagang paksa:
- Mga nagawa at kasalukuyang inisyatiba ng ACMW.
- Pagsasakatuparan ng ASEAN Consensus on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers.
- Pagbalangkas sa ACMW Action Plan 2026–2030.
- Mga paraan para mapabuti ang pamamahala sa labor migration sa Southeast Asia.
Binigyang-diin din sa ikalawang araw ng pagtitipon ang kahalagahan ng mas malawak at koordinadong pagkilos sa pagitan ng mga gobyerno at iba’t ibang institusyon upang masiguro ang epektibong proteksyon sa mga manggagawa.
Sa pagtatapos ng programa, nagpaabot ng pasasalamat si ACMW Chair at DMW Assistant Secretary Levinson Alcantara sa lahat ng nakiisa.
Aniya, ang naging resulta ng ika-19 na pagpupulong ay nagpapatibay sa determinasyon ng ASEAN na magbuo ng mas matatag na alyansa at mga makabagong solusyon para sa kagalingan ng mga migranteng manggagawa sa buong rehiyon.
📷 DMW