Photo courtesy of Senate Public Relations and Information Bureau
May mga katanungan si Senadora Imee Marcos na nais niyang maliwanagan kaugnay ng nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na magsisimula sa Lunes, July 6.
Ibinahagi ni Marcos na naghahanda na siya para sa nalalapit na pagsisimula ng impeachment trial, ngunit may ilang bagay pa aniya ang hindi malinaw sa kanila.
Kabilang dito kung sino ang mag-iisyu ng pre-trial order kung ang Clerk of Court na si Senate Secretary Renato Bantug, ang presiding officer na si Senate President Sherwin Gatchalian, o ang buong impeachment court.
Nais ding malinawan ng senadora kung ano ang legal na basehan kung tanging ang Clerk of Court o ang presiding officer ang mag-iisyu ng pre-trial order, dahil wala umano itong nakasaad sa mga umiiral na patakaran.
Tanong din niya, sino ang magru-rule kung may mga objections, motions at komento sa pre trial order at paano kung may mga senator-judges ang hindi kumporme sa pre-trial order.
Samantala, pinahayag ni marcos na tiyak na makakaapekto sa legislative work ng mga senador kapag sobrang tumagal ang impeachment trial.
Una nang sinabi ng prosecution na mahigit 60 trial days ang kakailanganin nila, habang 30 trial days naman ang hinihiling ng panig ng depensa.
Suhestiyon ng senadora na, hangga’t maaari, ay sundin ang one-day examination of witness rule upang mabawasan ang bilang ng mga araw ng paglilitis.
Sa pananaw ng mambabatas, hindi na aabot sa mahigit 90 ang mga testigong ihaharap ng prosekusyon at depensa. Aniya, kung susundin ang one-day examination of witness rule, hindi na aabot sa 90 araw ang paglilitis at malaki ang posibleng mabawas sa kabuuang trial days.