Suportado ni Senador Christopher “Bong” Go ang panawagan ng Senado na pabilisin ang pagkuha ng School Counselor Associates sa mga pampublikong paaralan upang mapalakas ang suporta sa mental health ng mga mag-aaral.
Ayon kay Go, mahalagang agad na maipatupad ang mga programa sa mental health para matulungan ang mga estudyanteng nakararanas ng stress, bullying, suliranin sa pamilya, at iba pang personal na problema.
Pinunto ng senador na sa ilalim ng 2026 national budget, inilaan ang P2 bilyon para sa pagkuha ng 10,000 School Counselor Associate I na posisyon, alinsunod sa Republic Act No. 12080 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.
Giniit ng senador na kapag mental health ng kabataan ang pinag-uusapan, hindi puwedeng mabagal ang aksyon.
Dapat aniyang may sapat na tao sa mga paaralan na makikinig, gagabay, at tutulong sa mga estudyanteng may pinagdadaanan.
Binigyang-diin din ni Go na dapat palawakin ang mental health support hanggang sa antas ng kolehiyo.
Kaugnay nito, binanggit niya ang Senate Bill No. 176, na naglalayong magtatag ng Mental Health Offices sa mga state universities and colleges. | ulat ni Nimfa Asuncion