Plano ni senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development Chairman Senador Erwin Tulfo na magsagawa ng Senate inquiry para masuri ang pagpapatupad ng republic act 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act.
Ito ay kasunod ng mga sunod-sunod na mga insidente na kinasangkutan ng mga menor de edad, kabilang ang insidente ng pamamaril sa Tacloban at mga kaso ng pananaksak sa Negros Occidental at Cavite.
Ayon kay Tulfo, matagal na niyang isinusulong ang pagsusuri sa naturang batas dahil malaki at malinaw aniyang may kakulangan sa pagpapatupad ng naturang batas.
Tututukan aniya ng kumite ang kakulangan ng mga functional na pasilidad ng Bahay Pag-asa, ang epekto ng mga intervention programs para sa mga Children in Conflict with the Law (CICL) at Children at Risk (CAR), at ang pagpapatupad ng mahigpit na pananagutan sa mga magulang.
Tatalakayin rin aniya ang mga kontrobersyal na probisyon ng batas, partikular ang itinakdang edad para sa criminal liability.
Nilinaw ni Senator Erwin na ang layunin ng kumite ay ayusin ang sistema para mabigyan ng katarungan ang mga biktima habang ginagabayan sa tamang rehabilitasyon ang mga menor de edad. | ulat ni Nimfa Asuncion