Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestream
Matapos ang pagbubukas ng ikatlong OFW Lounge sa Mactan–Cebu International Airport (MCIA) kamakailan, inanunsyo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na kanila na ring bubuksan ang ika-apat na OFW Lounge dito sa Pilipinas, na matatagpuan naman sa Clark International Airport.
Sa pamamagitan ng programang “Global Na Tayo” ng Radyo Pilipinas World Service, ibinahagi ni OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan na inihahanda na ng opisina ng OWWA sa Rehiyon Tres ang paglulunsad ng naturang OFW Lounge, katuwang ang pamunuan ng Clark International Airport.
Ayon pa kay Administrator Caunan, isusunod na rin nila ang pagkakaroon ng OFW Lounge sa Mindanao.
Bukod sa pagbubukas ng OFW Lounges, inanunsyo rin ni Administrator Caunan na dadalhin na sa Visayas at Mindanao ang OFW Kabuhayan Expo, na unang inilunsad sa SMX Manila noong June 7 kasabay ng pagdiriwang ng Migrant Workers Day.