Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestream
Isa sa mga pinagtuunan ng pansin sa naging bilateral meeting sa pagitan ng Pilipinas, na kinatawan ng Maritime Industry Authority (MARINA), at ng ilang opisyales mula sa The Netherlands ang nagpapatuloy na komprehensibong pagre-review sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW).
Ito ang ibinahagi ni MARINA STCW Office Executive Director Samuel Batalla sa programang “Global Na Tayo” ng Radyo Pilipinas World Service.
Ayon kay Exec. Dir. Batalla, mahalaga ang International Convention on STCW dahil ito ang pandaigdigang batayan para sa certification at watchkeeping ng ating mga kababayang mandaragat.
Dagdag ng opisyal ng MARINA, inihayag ng ahensya sa Dutch officials ang kanilang paghahanda para sa ikalawang bahagi o phase 2 ng nabanggit na comprehensive review.
Ani Exec. Dir. Batalla, sa unang bahagi ng comprehensive review ay nakita ang nasa 500 gaps na makita ang mga member-state ng International Convention on STCW ng International Maritime Organization (IMO).
Kabilang sa mga nakitang gap ay ang equivalency ng seagoing service requirement sa simulator-based training.
Ayon pa sa MARINA official, sa puntong ito ay naghahain na sila ng mga proposal upang matiyak na makatutulong talaga sa mga seafarer ang mga pag-amyenda sa International Convention on STCW.