Bakit pa lalabas ng bansa kung nag-aabang ang umaapaw na diskuwento sa sarili nating mga hiyas na destinasyon?
Upang mas patingkarin at pasiglahin ang lokal na turismo, opisyal nang inilunsad ng Department of Tourism (DOT) ang kanilang pinakabagong domestic tourism campaign—ang “Discover More to Love” kasabay ng pagbubukas ng Central Philippines Tourism Expo sa Santa Rosa, Laguna.
Sa pamumuno ni DOT Secretary Dita Angara-Mathay, ibinida sa publiko ang isang bagong digital platform na bunga ng pagtutulungan ng gobyerno at ng pribadong sektor. Ang website na ito ay magsisbing “one-stop-shop” na naglalaman ng halos 3,000 special travel deals—mula sa mga hotel at resort, atraksyon, kainan, tour packages, transportasyon, hanggang sa wellness services.
Ang pinakamagandang balita para sa mga bakasyonistang Pinoy? Abot sa 70 porsyento ang diskwento na pwedeng makuha rito kumpara sa regular na presyo!
Solusyon sa Mahal na Pamasahe at “Fake News” sa Travel
Ayon kay Sec. Angara-Mathay, direktang sinasagot ng bagong platform ang matagal nang hinaing ng marami na mas mahal pang magbiyahe sa loob ng Pilipinas kumpara sa mangibang-bansa.
“We have created a shared platform which we hope will give travelers more choices while helping tourism enterprises particularly those in emerging destinations to attract more visitors throughout the year including the lean travel months,” pahayag ng Kalihim.
Bukod sa tipid, ligtas pa ang mga manlalakbay mula sa mga online scam. Tiniyak ng DOT na 100% lehitimo at dumaan sa masusing validation ng kanilang mga partner stakeholders ang lahat ng promosyong makikita sa website, kaya zero-risk ang booking ng mga turista mula sa mga pekeng “third-party applications.”
Nanawagan din ang Kalihim sa mga Pilipino na maging mukha ng lokal na turismo.
“Makikipagtulungan ang Department of Tourism sa ating mga rehiyon at tourism partners upang mas madali ninyong makita ang mga bagong destinasyon, makapamili ng iba’t ibang travel packages, at makahanap ng mga pagpipiliang akma sa inyong budget at interes. At kapag may bago kayong natuklasan ibahagi ninyo ito sa inyong mga pamilya, sa inyong mga kaibigan, at sa inyong social media,” dagdag niya.
Turismo: Gulong ng Ekonomiya
Malaking tulong ang kampanyang ito para mapanatili ang sigla ng ekonomiya sa mga rehiyon, lalo na tuwing “lean months” o tag-ulan kung kailan matumal ang turismo. Sa pamamagitan nito, masisiguro ang tuloy-tuloy na booking, mapapanatili ang trabaho ng mga lokal na manggagawa, at lalakas ang kita ng mga maliliit na negosyo.
Patunay sa lakas ng lokal na turismo ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), kung saan pumalo sa ₱3.256 trilyon ang domestic tourism expenditure noong 2025—isang 2.98% na pag-angat mula sa ₱3.162 trilyon noong 2024.
Buong Suporta mula sa Pribadong Sektor
Todo-suporta naman ang ipinaabot ni Laguna Tourism Council President at Enchanted Kingdom Chief Operating Officer Dr. Cynthia Mamon sa naging hakbang ng DOT. Aniya, perpektong ehemplo ito ng matibay na Public-Private Partnership (PPP).
“We must focus on what we do best—all our talents, our hospitality, our service-orientedness, ang ganda ng ating bayan, at ng ating bansa. We are blessed with national resources. I think we have our unique attractions in each of our regions so that we look forward to a more vibrant tourism in our country,” ani Mamon.
Ang Discover More to Love ay nakakabit sa pambansang tourism brand ng bansa, ang “Love the Philippines,” na naglalayong iwanan ang bawat Pilipinong biyahero ng kwento ng kultura, ganda, at karanasang hinding-hindi malilimutan.