Lumalabas na inisyal na assessment ng mga social worker ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kumilos ng may discernment o alam ng 15-taong gulang na suspek ang kanyang ginawang krimen nang mamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, nakasaad sa batas na maaaring managot sa krimen ang mga batang edad 15 pataas kung mapapatunayang may discernment o nauunawaan ang ginawa, ang epekto nito, at ang konsepto ng tama at mali.
Pero nilinaw ng kalihim na kailangan pa rin ng pormal na beripikasyon mula sa korte ang assessment sa dalawang batang sangkot sa insidente.
Patuloy pa ring hinihintay ng DSWD ang resulta ng psychological evaluation sa 15-taong gulang at 14-na taong gulang na nasa kustodiya ng Regional Rehabilitation Center for Youth sa Tacloban.
Ayon kay Gatchalian, sinimulan na rin ang trust-building interventions para mahikayat ang dalawang bata na magsalita at maibahagi ang mahahalagang impormasyon kaugnay ng insidente.
📸 PNA