Kinumpirma ni Phllippine National Police (PNP) Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na isinailalim na sa full alert status ang buong National Capital Region Police Office (NCRPO).
Gayundin ang Police Regional Office 3 (Central Luzon) at Police Regional Office 4A (CALABARZON) bilang pagmomobilisa na rin sa nagpapatuloy na aktibidad ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo sa People Power Monument (PPM).
Aabot sa 5,936 o halos 6,000 pulis ang ipinakalat sa iba’t ibang lugar sa National Capital Region (NCR) ngayong araw para tiyakin ang seguridad at kaayusan kasabay ng pagtitipon.
Batay sa pinakahuling monitoring ng PNP hanggang alas-10 ng umaga, apat na lugar ang binabantayan partikular na ang EDSA Shrine, EDSA southbound corner Connecticut, People Power Monument corner White Plains Avenue, at Liwasang Bonifacio.
Nauna nang inatasan ng Department of the Interior and Local Government ang PNP na pairalin ang maximum tolerance habang pinananatili ang kapayapaan, kaayusan,l at paggalang sa karapatan ng mga kalahok.